
Mula noong ibahagi ko sa inyo ang kagustuhan kong sumulat muli ng mga blog, maraming bagay ang sumagi sa’king isipan.
“Paano kung…?”
“Baka sabihin nila…”
“Mapaninindigan ko ba ’to?”
Aaminin ko na bago ko ibahagi ‘yon, sobra ang kaba na nararamdaman ko kaya nanalangin ako bago ko pinindot ang post button. Bahagi ng panalangin ko ay kung hindi ’to ang kagustuhan ng Diyos, walang papansin nito. Alam ko may makakakita (view) dahil syempre sa algorithm ng Facebook pero hindi nila papansinin at mag_scroll_ lang sila kung hindi ’to kalooban Niya.
Parang imposible na walang papansin pero n’ong mga sandaling ‘yon, naalala ko ‘yong mga nangyari noon. May mga nagbabasa ngunit wala silang reaksyon o komento sa post. Tinatawag sila ng henerasyon ngayon na “silent readers”. Malalaman mo na lang na nagbabasa pala sila kapag nakaharap ka na nila sa personal tsaka sila magbabahagi ng reaksyon nila o kaya nama’y magpe_personal_ message sila sa’yo. Ang totoo, wala naman talaga ‘kong inaasahan na kung ano. Nasabi ko ‘yon dahil sa sobrang kaba ko at pagduda na rin sa sarili.
Kinabukasan, nando’n pa rin ang kaba ko pero ayokong pakinggan ang sinasabi ng utak ko dahil kung pakikinggan ko ang mga bagay na ‘yon, ako ay mapaparalisa lamang at ‘di makakausad pasulong. Pagbukas ko ng Facebook app, natuwa ako dahil sa awa ng Diyos ay hindi naman Niya ako binigo. Nakatanggap ako ng mga suporta at reaksyon.
Sa mga sumunod na mga araw ay namamangha ako na binibigyan ako ng Panginoon ng mga ideya at mga paksa kung ano-ano pa ang mga maaari kong isulat at ibahagi. Kahit na nakakakaba ay nasasabik ako na sumulat patungkol sa mga ito.
Kahapon naman, isang kaibigan ang nagtanong sa akin kung kikita ba daw ako rito sa pagsusulat. Hindi ko sinagot ang tanong niya bagkus ay ipinaliwanag ko kung ano ang isang blog. Oo at may mga kumikita mula sa paggawa ng blog ngunit hindi iyon ang intensyon ko. Naikwento niya rin na may kilala s’ya na kumikita sa pagbebenta ng mga tula dahil dito ay niyaya niya ako na magbenta rin ng mga tula at tinawanan ko lamang s’ya.
Mayroon din na nagtanong sa’kin noon kung kumikita ba daw ako sa mga blog na nilalagay ko sa website ko. Umiling lamang ako sabay ngiti sa kanya. Mukhang nagulantang naman siya sa sagot ko. Profit o kita? Wala ‘yan sa isip ko kapag nagsusulat ako. Hindi rin ako nabibigyan nito ng inspirasyon. Marahil walang kapakinabangan ang tunog nito sa mga business minded na mga tao pero para sa akin ay nagbibigay ito ng galak sa puso ko. Simple lang naman ang gusto ko noon at maging sa ngayon… Mabahagi ang pananampalataya ko at maluwalhatian ang aking Panginoon sa pamamagitan nito. Wala ng mas makahihigit pa d’on na kahit na anong bagay dito sa mundo.
