
Nitong mga nakalipas na mga linggo, nahuhumaling ako sa pagbabasa. At dahil dito ay naiinspira ako na muling magsulat. Araw-araw lumalaki ang kagustuhan kong sumulat muli. Katulad noon, pagbabasa rin ang nagtulak sa’king sumulat ng mga tula, mga testimonya, at mga istorya ng mga pangyayari sa buhay Kristiyano ko.
Noong una, gusto ko lang na magkaroon ng panibagong pampublikong Facebook account para kumonekta at mag_follow up_ sa mga na-evangelize namin sa Puerto Princesa City Baywalk kaya ginawa ko ang account na Tina (Facebook).
Sunod ay nagsimula ako magpost ng mga Bible verses at reels. Pagkatapos ay nagsimula na rin akong mag-add friend sa mga kasamahan ko sa simbahan. Medyo alinlangan pa ako na i-add sila pero isinawalang bahala ko lamang ito at hindi na muling inisip pa.
Pagkatapos ay pinakita ng Panginoon sa akin lahat na para bang mga magkakahiwalay na pangyayari sa buhay ko na Kaniyang pinagtahi-tahi para lamang bumalik ako sa nakalipas kung saan ako noon ay sumusulat ng mga blog post patungkol nga sa aking pananampalataya.
Kinumpirma ito ng Diyos sa akin noon at ginawa Niyang muli ulit ngayon. Gusto Niyang tahakin kong muli ang landas na ito sa pamamagitan ng account na ito.
Dahil dito ay muling namumbalik sa akin ang Equipping namin sa simbahan kung saan binigyan kami lahat bawat isa ng mga kasamahan ko sa simbahan na leader ng pagkakataon na alamin ang aming kanya-kanyang field of expertise. Ang akin ay author at website programmer (Makikita sa larawan sa ibaba). Web development ay ang bagay na gusto kong gawin samantalang ang pagsusulat ang bagay na natural kong ginagawa. Pareho silang kinakasiyahan kong gawin.
Kaya kaninang madaling araw, sa higaan ko, kung kailan ko ito lahat napagtanto ay sobra akong namangha na humantong sa punto na humagulgol talaga ako ng iyak (pero siyempre, walang tunog dahil kung hindi ay magigising lahat ng mga tao sa bahay at maging sa kapitbahay).
Nawala ako sa landasing ito noong nawala rin ako sa Panginoon. At sa tuwing bumabalik ako ay binabalik Niya rin ako sa landas na ito. Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako sa kung paano Siya kumikilos sa buhay ko.
