Skip to main content
  1. Faith Blog/

I Used To Compare

Artwork/illustration is not mine. Credits to the rightful owner.

I used to compare ang pananampalataya ko noon kung saan una kong tinanggap si Kristo Hesus at ang pananampalataya ko ngayon after backsliding 𝘢𝘯𝘥 𝘵𝘩𝘦 “darkest years of my life.” Kahit pa na alam kong iba ang noon at ang ngayon. Na magkaiba ang struggles at circumstances ko noon kesa sa ngayon, at malinaw rin sa’kin na hindi ko na maibabalik ang nakalipas na.

Lahat ng mga mananampalatayang nakaranas na lumayo o nag-backslide sa Panginoon na tulad ko ay sasang-ayon sa’kin na mahirap lumayo sa Diyos pero mas mahirap bumalik muli sa Kan’ya. Depende ito sa kung ga’no ka katagal na nawala o lumayo sa Kan’ya.

Naranasan kong bumalik sa pananampalataya at dumalong muli sa mga pagtitipon at pagsamba nang halos kalahating taon pero wala pa rin, wala akong makitang pagbabago sa akin. Tila nangangapa pa rin ako sa dilim kahit na maliwanag na ang paligid ko. Kaya sa puntong ‘yon, tinanong ko ang Diyos, “Ama, bakit… bakit hindi pa rin katulad noon ang pananampalataya ko Sa’yo? Iba pa rin ang apoy ko noon.”

Noong kumuha si Elias ng labingdalawang bato at sinalansan ang mga ito upang bumuo ng dambana para kay Yahweh sa 1 Mga Hari 18:20-40, nagsalansan siya ng mga kahoy at mga handog, pinalibutan niya ito ng tubig at makailang ulit rin niyang pinag-utos na buhusan ito ng tubig. Ginawa niya ito hindi lang dahil sa oras na ng paghahandog kundi dahil ayon sa kanyang panalangin ay nais nitong patunayang si Yahweh lamang ang Diyos at upang ang bayan ng Diyos ay magbalik-loob sa Kanya.

Sa ilustrasyong ‘yon, para akong si Elias na nanalangin sa Diyos ng pagkilos Niya. Katulad ng mga basang handog sa dambana ng Diyos, nag-aantay rin ako na tupukin ng Kanyang apoy. At tulad ng bayan ng Diyos na nangangailangang magbalik-loob.

Dahil dito’y tinignan ko ang aking sarili. “Gaano ba ako sumunod sa Diyos noon?” Tanong na nabuo sa’king isipan. “Katulad din ba sa pagsunod ko ngayon?”

“Aanhin mo ang pagpunta sa doktor sa tuwing nagkakasakit ka kung hindi mo rin pala sinusunod ang mga payo at bilin niya na gawin ko? Tapos mag-e-expect ka na gumaling sa karamdaman mo? Gayundin sa Diyos, aanhin mo ang paglapit sa Kan’ya’t paghingi ng tawad kung hindi mo rin susundin ang Kan’yang mga utos? Oo, at napatawad ka na Niya pero huwag kang mag-expect na may magbabago kung hindi ka nagbabago.”

“May pananampalataya ka pero hindi mo ini-exercise, paano ka lalago? Paano ka mag-aapoy? Baka binabase mo sa emosyon at pakiramdam pero wala namang obedience?”

Ayan ang mga bagay na napagtanto ko noong mga panahong ‘yon. Ninanais ko pa ring muling maging maalab sa pananampalataya sa Panginoon, ngunit mas ninanais ko na ngayon na sumunod at lumakad kasama N’ya na hindi nakabase sa emosyon at sarili ko.