Skip to main content
  1. Faith Blog/

Fuel

What fuels you?

Tanong sa’king isipan
#

Nasa Family Camp 2025 ako nang tanungin ko ang sarili ko, “Magagawa ko ba ’to nang ako lang?” Like sariling lakas ko lang, sariling kaalaman ko lang at pagsisikap…

Konting background lang: kasama ako committee ng Family Camp 2025. Ako’y nakatalaga sa multimedia, at assistant rin sa registration at sa logistics.

Kagagaling ko lang n’on sa ilog at kakatapos ko lang na maligo. Masaya akong naligo kasama ng ibang mga nag_join_. Pagbalik ko sa tent namin upang magbihis, nakaramdam ako ng pagod at biglang sa isipan ko’y tinanong ko ang aking sarili, “Magagawa ko ba ’to nang ako lang?”

Agad ko namang sinagot ang sarili ko na: “Hindi! Kung ako lang, imposible.” Sabay ngisi. Buti walang nakapansin sa’kin n’on, kundi baka naisip na nilang nasisiraan ako ng ulo. Ngumingisi akong mag-isa.

Totoo naman na kung ako lang… Kung hindi ako nakatuon sa Diyos habang naglilingkod sa Kanya, malamang sa alamang na madali akong mapapagod at susuko! Kung sa sarili ko ako nakatingin, madi_disappoint_ lang ako sa sarili ko sa mga kahinaan ko at mga bagay na hindi ko kayang gawin. Kung aasa ako sa sarili kong kakayahan at kalakasan, magiging palalo lang ako along the way!

Kung sa ibang tao naman ako titingin, siguradong maiingit lang ako o kaya nama’y baka mag_cause_ pa ito ng idolatry. Isa pa, nando’n rin ang endless expectations ng mga tao na madi_disappoint_ ka lang kasi kahit kailan hindi mo ito mapupunan. Mapapagod ka lang kung magiging people pleaser ka.

Sagot sa’king katanungan
#

Namamangha ako during that camp kasi ang dami kong mga bagay na nagawa na hindi ko akalaing magagawa ko pala. Napansin ko na lamang no’ng natapos na. Ngunit paano ko ba nagawa ang lahat ng ‘yon?

Ang nasa isip ko lang naman ay ginagawa ko ’to dahil mahal ko ang Diyos at may kagustuhan akong maglingkod sa Kan’ya dahil gusto ko S’yang mapapurihan. Hindi ko naman alam na kaya ko pala. Iyon lang ang nag_fuel_ sa’kin ng mga sandaling ‘yon.

Imposible naman talaga na magawa ko lahat ng ‘yon ng ako lang. Alam kong kasama ko ang Diyos. Lahat ng kalakasan, kaalaman, karunungan at kakayahan upang magawang maglingkod sa Kanya ay Siya rin ang nagbibigay. Kaya kung wala Siya, wala ako at wala akong makakayang gawin.

Pagkatapos ng camp, parang dalawa o tatlong araw yata akong tulog lang ng tulog. Nakapagpahinga ako pisikal. Ngunit sa tuwing naaalala ko na tinanong ko sa’king sarili… kung magagawa ko ba ‘yon ng nag-iisa lang, may hindi mapagsidlang tuwa sa puso ko na sumasagot na, “Hindi, Kristina! Hindi! Sa tulong lang ng Panginoon!”

Panapos
#

Naibahagi ko ang bahagya ang kwentong ito sa aming Youth service kung saan tinanong kaming mga lider kung ano ang mai-impart namin sa mga kabataan na magiging lider rin patungkol sa pagiging lingkod (servanthood) ng Diyos. Ang paglilingkod o pagiging lingkod ay hindi tungkol sa lingkod o naglilingkod kundi sa pinaglilingkuran kaya hindi dapat tayo sa ating sarili, sa ating ginagawa, o sa mga kasama nating lingkod nakatuon kundi sa Diyos na ating pinaglilingkuran. Ito’y tungkol sa Kaniya, kung gaano Siya kabuti sa’tin. Maglilingkod tayo hindi dahil gusto natin na pakilala, mapalalakpakan, o kung anuman. Maglingkod tayo dahil mahal natin ang Diyos.